Manila, Philippines – Mas gugustuhin ni House Speaker Pantaleon Alvarez na ipatupad ang martial law sa buong Mindanao hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Duterte.
Paliwanag ni Alvarez, kung ang pakay ng gobyerno ay wakasan ang terorismo sa rehiyon, hindi kakayanin ang panandalian lamang na pagpapatupad sa batas militar.
Ang terorismo aniya ay continuing o nagpapatuloy na krimen at banta sa seguridad.
Hindi din aniya nangangahulugan na tapos na ang problema sa Mindanao dahil natapos na ang giyera sa Marawi City.
Sinabi pa ni Alvarez na pagkakataon na para tapusin ang matagal na problema sa seguridad at kapayapaan sa rehiyon.
Hinihintay na lamang ng Kamara sa ngayon ang magiging rekomendasyon ng Pangulo ng itutuloy pa o tatapusin na ang martial law sa Mindanao.