Manila, Philippines – Umaasa ang Palasyo ng Malacañang na makapapasa na sa Kongreso ang 2019 National Budget sa lalong madaling panahon dahil pinanghahawakan nila ang garantiya ng Kamara at ng Senado na mamadaliin nila ito.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, kamakailan lamang ay tiniyak sa kanya ni Senate President Tito Sotto na “OK” na sa kanila ang budget issue.
Inaasahan aniya nila ang binitawang salita ng Senate President at ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na ginagawa nila ang lahat para mabilis na maaprubahan ang pambansang budget.
Sinabi din ni Panelo na sa oras na maaprubahan ang 2019 budget ay otomatiko nang mareresolba ang anomang hidwaan sa pagitan ni Budget Secretary Benjamin Diokno at ng Kamara.
Paliwanag ni Panelo, budget ang pinagmulan ng hidwaan ng dalawa kaya kung maaprubahan ito ay tapos na ang pagtatalo dahil wala nang pinag-uusapan.