Itinanggi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pahayag ng China na tinanggihan ng Pilipinas ang mga panukala nito sa pagtugon sa mga isyung may kinalaman sa West Philippine Sea ngunit kinuwestiyon ang batayan ng kanilang mga panukala.
Partikular na rito ang paggamit ng tinatawag na Ten-Dash Line.
Sa isang joint press conference kasama si German Chancellor Olaf Scholz, sinabi ng pangulo na walang kumikilala sa Ten-Dash Line ng China.
Ayon sa pangulo, maayos na ang teritoryo ng Pilipinas at ang mga talakayan sa pagitan ng dalawang bansa ay hindi susulong hangga’t iginigiit ng China ang mga kondisyon nito.
Tungkulin din aniya ng pangulo na ipagtanggol ang teritoryo ng bansa alinsunod sa unang artikulo ng Philippine Constitution.
Samantala, nagpahayag naman ng buong suporta si Chancellor Scholz sa Pilipinas sa isyu ng South China Sea.