Lumutang sa National Bureau of Investigation (NBI) ang nasa dalawa o tatlong testigo sa nangyaring shooting incident sa Jolo, Sulu kung saan apat na sundalo ang namatay.
Ayon kay NBI Spokesperson Ferdinand Lavin, nagsagawa ng ocular inspection sa crime scene ang kanilang mga ahente sa Western Mindanao.
Dito na lumapit sa kanila ang mga testigo na sinasabing nasaksihan nila ang insidente.
Pero sinabi ni Lavin na isasailalim sa assessment at counter-checking ang mga pahayag ng mga saksi mula sa mga ebidensyang kanilang nakolekta.
Naghahanap din sila ng CCTV footage malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Naisailalim na sa autopsy at paraffin test ang labi ng tatlo sa apat na napaslang na sundalo, kung saan dito malalaman kung nagawa ba nilang magpaputok ng kanilang baril.
Tiniyak ng NBI na magiging impartial at objective ang kanilang imbestigasyon.