Manila, Philippines – Nilinaw ng Pamahalaan na hindi naman talaga bobombahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga paaralan ng mga lumad.
Matatandaan kasi na noong Lunes ay sinabi ni Pangulong Duterte na bobombahin niya ang mga eskwelahan ng mga lumad dahil itinuturo ng mga rebeldeng NPA sa mga kabataan ang pagaklas laban sa pamahalaan.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Brigadier General Restituto Padilla, ang banta ni Pangulong Duterte ay para lamang bigyang diin ang kanyang sinasabi at hindi ibigsabihin nito ay gagawin ito ng Pangulo.
Gusto lang aniya ni Pangulong Duterte na iparamdam na seryoso siya sa paglaban sa mga rebeldeng komunista.
Sinabi naman ni Communications Assistant Secretary Ana Marie Banaag, bago makapagtayo ng mga paaralan sa mga malalayong lugar ang mga civil society group ay kailangang accredited ito ng Department of Education o ng Commission on Higher Education.
Samatanala, kinumpirma naman ni Padilla na mas lumiit na ngayon ang lugar na iniikutan ng mga terorista sa Marawi City dahil nasa dalawang barangay nalang ang kontrolado ng mga ito.
Naniniwala naman ito na umaabot nalang sa 60 ang kanilang kalaban at nadoon pa ang target na lider ng ISIS na si Isnilon Hapilon.
Patuloy parin naman aniyang umaasa ang buong sandatahang lakas na matatapos na ang bakbakan sa Marawi City sa lalong madaling panahon.