Sang-ayon si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na patay na ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) dahil sa mga nakalipas na pag-atake ng mga teroristang komunista.
Para kaya Eleazar, ang pakikipag-usap sa CPP-NPA-NDF ay pagsasayang lang ng oras.
Aniya, napakaraming beses na nagkaroon ng pag-uusap at laging dehado ang pamahalan dahil matapos mapakawalan ang mga lider ng CPP-NPA-NDF na pinaghirapang hulihin bilang “goodwill gesture” ay wala ring nangyayari.
Kaya naman nakikiisa aniya ang PNP sa pananaw ng pangulo na malaking kalokohan kung muling bubuhayin ang usapang pangkapayapaan sa mga terorista.
Pabor aniya ang PNP at iba pang ahensya ng pamahalaan sa kapayapaan, ngunit kung hindi naman interesado rito ang mga teroristang komunista, wala ring saysay na makipag-usap pa sa kanila.