Pahayag ni Cong. Villarin laban sa paglalabas ng narco-list, walang legal na basehan – Palasyo

“Walang katuturan” ganito isinalarawan ng Palasyo ng Malacanang ang naging pahayag ni Akbayan Representative Tom Villarin na posibleng impeachable offense dahil sa culpable violation of the constitution ang pagpapangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga tinatawag na narco politicians.

Matatandaan na aabot sa 46 narco politicians ang ibinunyag ni Pangulong Duterte kung saan kabilang dito ang ilang Kongresista, Mayors at Vice Mayors sa buong bansa.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, walang legal na basehan at walang katuturan ang naging pahayag ni Congressman Villarin laban sa naging hakbang ni Pangulong Duterte.


Sinabi din ni Panelo na agad kasing nagkokomento si Villarin sa isang bagay na hindi naman nito alam dahil hindi ito abogado.

Paliwanag nito, nakapagsampa na ng mga kaukulang kaso sa Office of the Ombudsman ang pamahalaan laban sa mga pinangalanang personalidad kung saan ibig sabihin nito ay nabigyan ang mga ito ng pagkakataon na ipagtanggol ang kanilang sarili at linisin ang kanilang mga pangalan.

Ang hakbang na ito aniya ay parang naglabas lang ang Pangulo ng mga pangalan ng mga criminal suspects na hindi naman maituturing na panggigipit at lalo pang hindi maikokonsiderang impeachable offense.

Sinabi ni Panelo na ang impeachable offense ay kung hindi ginagawa ni Pangulong Duterte at ng kanyang buong administrasyon ang kanilang trabaho para labanan ang matagal nang problema ng Pilipinas sa iligal na droga at ipagtanggol ang mga Pilipino mula dito.

Ginagawa aniya ito ni Pangulong Duterte para ipagtanggol ang mamayan laban sa iligal na droga at gampanan ng tama ang kanyang tungkulin bilang Pangulo ng bansa.

Facebook Comments