Manila, Philippines – Naniniwala si dating Senador Jinggoy Estrada na malaki ang naitulong ng pagkondena ni Pangulong Rodrigo Duterte sa selective justice ng Ombudsman sa kaniyang pansamantalang paglaya.
Ayon kay Jinggoy, malinaw naman na selective justice ang ginawa sa kanila ng nagdaang administrasyon.
Pinersonal aniya siya ng administrasyong Aquino nang ibunyag niya sa kaniyang malayang talumpati noon sa Senado ang isyu ng DAP o Disbursement Acceleration Fund na maraming kaalyado ng LP ang nakinabang dito.
Binigyan diin ni Estrada na may isang Senador noon na mismong sa sarili nitong NGO pinadaan ang PDAF at isang kongresista rin na bumili ng mga hamburger na nagkakahalaga ng isang milyong piso.
Gayunman , siya at sina dating Senador Bong Revilla at Juan Ponce Enrile na nag endorso lamang ng umano’y ghost projects ang pinursigeng ipinakulong.
Nang tanungin siya tungkol sa mga bank cheques na magpapatunay sa pagbulsa niya ng kickback, sinabi niyang wala itong katotohanan at bahala na ang korte na magpasiya rito.
Tiwala si Estrada na nakita ng 5th division na walang matibay na ebidensya laban sa kaniya kung kayat pinahintulutan na siyang magpiyansa para sa kaniyang Pansamantalang kalayaan. At umaasa sila na mapapatunayang inosente siya sa bandang huli.