Tinawag na “spineless” ng Communist Party of the Philippines (CPP) si Pangulong Rodrigo Duterte makaraan nitong sabihin na simpleng “maritime incident” lang ang pagbangga at pag-abandona ng Chinese Vessel sa 22 mangingisdang Pinoy sa Recto Bank.
Ayon sa CPP, bigo ang pangulo na aksyunan ang insidente para sa interes ng soberanya ng bansa dahil takot itong mawala ang milyon-milyong Dolyar na bribe money at iba pang pabor na natatanggap nito mula sa China.
Kasabay nito, binatikos din ng CPP ang plano ng Amerika na mag-deploy ng USS Stratton, isang US Coast Guard Cutter, sa West Philippine Sea para tulungan ang Pilipinas at iba pang bansa na hindi kayang depensahan ang kanilang Exclusive Economic Zone.
Giit ng CPP, sinasamantala lang ng US ang Recto Bank Incident para matupad ang layon nitong makapaglagay ng military presence sa Pilipinas at West Philippine Sea.
Naniniwala naman si Alberto Encomienda, Executive Director ng Center for Archipelagic and Regional Seas Law ang Policy studies na hindi isolated case ang insidente sa Recto Bank.
Posible pa niya itong maulit at katunayan, matagal na itong nararanasan ng mga mangingisda sa West Philippine Sea.