Cauayan City, Isabela- Nanginginig sa takot nang dumating ang isang lalaki sa himpilan ng PNP Cauayan upang magsumbong at humingi ng tulong kaugnay sa ginawang pambubugbog umano sa kanya ng kanyang mga nakainuman kagabi.
Batay sa salaysay ng biktimang si Rowel Talaue, 34 taong gulang, truck helper, may asawa, residente ng Brgy. Bliss Village sa Lungsod ng Ilagan, isang linggo na aniya silang natukod sa Cauayan City at hinihintay na lamang na madiskarga ang kanilang deliver na semento partikular sa may brgy. San Fermin.
Ayon pa sa biktima, bago nangyari ang pambubugbog, habang naghihintay na ma unload ang kanilang karga, pinasyal muna nito ang kanyang anak na iniwan sa kanyang bayaw sa San Fermin.
Nagkaroon aniya sila ng inuman at kalauna’y bigla na lamang umano siyang binugbog ng kanyang bayaw na kinilalang si ‘Dandan’ kasama ng iba pang nakainuman.
Matapos umano ang ginawang pambubugbog ay dinala siya malapit sa isang lomihan sa may Canciller Avenue at doon na nagpalipas ng gabi.
Pasado alas sais kaninang umaga, tumakas umano ang biktima at sumakay ng traysikel para makapag sumbong at makahingi ng tulong sa pulisya.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa biktima, wala naman aniya silang alitan ng kanyang bayaw at wala rin ibang kaaway na posibleng dahilan ng pambubugbog sa kanya.
Kaugnay nito, pinaiimbestigahan na ng PNP Cauayan ang reklamo ng naturang biktima kung ano ang dahilan ng pambubugbog sa pahinante.
Bukod sa balisa at walang tsinelas na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima ay nakitaan din siya ng galos at pasa sa likod ng tenga at mantsa ng dugo sa kanyang damit kaya’t posible ani imbestigador na may katotohanan ang reklamo ng pahinante.