Iminungkahi ni Senator Risa Hontiveros ang pagkakaroon ng Department of Health (DOH), Inter-Agency Task Force (IATF) at Food and Drug Administration (FDA) ng massive info campaign para maipaliwanag nang maigi kung bakit pwede na ang Sinovac sa mga nakatatanda.
Katwiran ni Hontiveros, mas nakakagulo at nakakadagdag ng pag-aalala sa publiko ang biglaang pagbabago sa mga pahayag ng FDA ukol sa kaligtasan ng bakuna para sa mga senior citizen.
Diin ni Hontiveros, ngayon ay kailangang ipakita na suportado ng science ang pagpalit ng desisyon para makumbinse ang mga senior na ligtas at mabisa talaga ang Sinovac para sa kanila.
Bukod dito ay iginiit din ni Hontiveros sa Department of Health (DOH) na pagkalooban ng libreng health profiling at executive check-ups ang senior citizens.
Paliwanag ni Hontiveros, makakatulong ito para matiyak na nauunawaan ng senior citizen ang hinggil sa bakuna at siya ay nasa mabuting kondisyon sa pagpapaturok nito.