Pahintulot na makapagtrabaho sa ibang bansa ang mas maraming health workers, pinuri nina Senators Go at Villanueva

Ikinatuwa nina Senators Christopher Bong Go at Joel Villanueva ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawakin pa ang exemptions sa deployment ban sa mga health worker hanggang sa mga may naaprubahang kontrata nitong August 31, 2020.

Diin ni Go, world-class ang ating medical professionals kaya ang kanilang pakikipag-bayanihan upang malampasan ang krisis ngayon ay hindi limitado sa Pilipinas lamang.

Paliwanag ni Go, may sinumpaan ang mga health worker sa kanilang trabaho na sagipin ang buhay ng kahit sinuman at kahit saan man.


Itinuturing naman ni Senator Villanueva ang nabanggit na pasya ng Pangulo bilang panalo ng ating mga healthcare worker na lubos na nahihirapan dahil sa deployment ban na ipinatupad noong Abril nang may mabuting intensyon na siguruhing sapat ang manpower natin habang may pandemya.

Pero ayon kay Villanueva, hindi naman nabigyan ng trabaho rito sa bansa ang maraming mga health worker dahil hindi napunuan ang 10,468 slots sa ilalim ng emergency hiring program ng Department of Health.

Ipinunto pa ni Villaneuva na hindi rin nakaka-enganyo ang employment terms sa programang ito dahil maliban sa walang garantiya sa hazard pay, ay masyadong mababa ang sahod at napaka-ikli rin ng tatlong buwang kontrata.

Bagama’t masaya sa pasya ng Pangulo ay patuloy na isusulong ni Villanueva ang pag-alis ng total deployment ban dahil sadyang apektado ang ating mga healthcare worker na kailangan ding kumita ng sapat para maitaguyod ang kanilang pamilya.

Facebook Comments