Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Esem Galiza, Information Officer ng Cauayan City Police Station, nag-ugat aniya ang kanilang pagbisita sa lugar matapos matanggap ang impormasyon na wala umanong supply ng kuryente sa lugar at hirap din ang mga ito sa pagkuha ng magagamit at maiinom na tubig.
Nang magtungo ang ating kapulisan sa lugar ay nakumpirma na walang supply ng kuryente sa nasabing Sitio at problema din ng mga residente ang supply ng tubig.
Inilarawan ni Galiza ang Sitio Purok 7, Sta. Maria na kilo-kilometro ang kailangang lakarin o daanan mula sa pinaka sentro ng barangay at mahirap din na pasukin sa tuwing tag-ulan.
Hindi aniya nito lubos akalain na mayroon pa palang lugar dito sa Lungsod ng Cauayan ang talagang salat sa pamumuhay kaya malaki ang kanyang pasasalamat sa mga nag-abot ng tulong para sa mga residente ng nasabing lugar.
Kaugnay nito, target na masimulan ang proyekto sa buwan ng Setyembre 2022 kung saan uunahin ang pamimigay ng Solar light sa bawat pamilya at isusunod naman ang pagpapagawa ng deep well o bombahan.
Mensahe naman nito sa mga residente ng barangay Sta. Maria na gagawin ng PNP Cauayan ang lahat ng kanilang makakaya para makatulong at matugunan agad ang mga pangunahing problema sa nasabing lugar.