Pakikialam ng China sa 2022 Elections, pinangangambahan

 

Malaki ang posibilidad na manghimasok ang China sa 2022 presidential election upang mapanatili nito ang impluwensiya sa Filipinas at hindi sila habulin sa kanilang ilegal na pag-okupa sa West Philippine Sea (WPS), ayon sa mga progresibong mambabatas sa Kamara.

Sinabi nina ACT Partylist Rep. France Castro at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate na maraming sensyales na makikialam ang China sa susunond na presidential election tulad ng Facebook account na nakabase sa Fujian, China na sumusuporta umano sa presidential bid ng anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Rep. Sara Duterte.

Ang naturang account ay kabilang sa mahigit 100 accounts na inalis ng pamunuan ng Facebook kamakailan. Kasama rin dito ang mga pekeng account umano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Nationa Police (PNP).


“Pinatunayan na dun sa ibinulgar ng Facebook na sangkot ang China mismo. May mga account, may network na nagmula sa China na ire-raise up ang kandidatura ng anak ng Presidente sa susunod na eleksiyon,” pahayag ni Castro sa isang virtual press conference.

“Talagang may nakikita tayong indication eh na maaaring makialam ang China sa election. Makikita natin sa mga tinek-down na account. Malaki ang posibilidad na makikialam ang China sa susunod na eleksiyon,” dagdag pa niya.

Sa kanyang panig ay sinabi ni Zarate na hindi na siya magtataka kung manghihimasok ang China sa 2020 presidential election dahil malaki ang interes nito sa Filipinas, lalo na sa inaangkin nitong WPS.

Kaugnay nito ay hinamon niya ang social media regulators sa bansa at maging sa Facebook na maging pro-active sa laban sa mga ganitong account at network upang hindi maimpluwensiyahan ng sinuman, lalo na ng China, ang susunod na halalan sa bansa.

“Kasi this will undermine the democractic processesses na mayroon ang isang kandidato na halal ng bayan na na-elect pala dahil hindi ito ang kagustuhan ng bayan kundi dahil ang mamamayan ay na-mislead. Naloko sila dahil sa kanilang nabasa sa social media platforms,” paliwanag ni Zarate.

Samantala, iginiit ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite na ang National Bureau of Investigation (NBI) o Office of the Ombudsman ang dapat na mag-imbestiga sa fake accounts sa AFP at PNP.

Naniniwala si Gaite na walang mangyayari kung ipauubaya sa AFP at PNP ang pag-iimbestiga sa mga pekeng Facebook account sa kanilang hanay.

Facebook Comments