Pakikialam ni Pangulong Duterte at Senator Go sa frigate deal, pasok sa kaso ng pandarambong – Trillanes 

Para kay dating senator Antonio Trillanes IV, pasok sa kaso ng plunder o pandarambong ang pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte na inutusan niya si Senator Bong Go na makialam sa kontrobersyal na frigate deal.

Ayon kay Trillanes, base sa imbestigasyon ng senado, ang aksyon ni Go ay nakatulong para kumita umano ng bilyun-bilyong piso ang South Korean company na nabigyan ng kontrata.

Paliwanag ni Trillanes, naging daan ito para mapilitan ang Philippine Navy na tanggapin ang substandard na mga kagamitan tulad ng combat management system na hindi tugma sa itinatakda ng orihinal na kontrata.


Ipinaalala pa ni Trillanes ang pagsibak umano ni Pangulong Duterte kay dating Navy Flag Officer In Command Admiral Ronald Mercado nang igiit nito na dapat maipatupad nang buo ang nakapaloob sa orihinal na kontrata.

Diin pa ni Trillanes, ang mga ginawa ng pangulo at ni Go ay nagresulta para maging limitado ang kapabilidad ng Philippine Navy sa kabila ng napakalaking pondo ng pamahalaan para magkaroon ito ng warships.

Facebook Comments