Pakikipag-tsismis, Mahigpit nang Ipinagbabawal sa Lungsod ng Cauayan!

Cauayan City, Isabela- Mahigpit nang ipagbabawal sa Lungsod ng Cauayan ang pakikipag tsismisan bilang bahagi ng mas pinaigting na pagpapatupad sa Enhanced Community Quarantine upang makaiwas sa pagkahawa at pagkalat ng sakit na COVID-19.

Sa public address kaninang umaga ni City Mayor Bernard Dy, mahigpit aniyang ipinagbabawal ang pagtambay sa labas ng bahay para magbasketball, mag jogging, magpalipad ng saranggola at lalong lalo na ang makipag chismisan sa mga kapit bahay o sa ibang tao.

Bukod sa mga ito ay ipinagbabawal din ang anumang klase ng pagkukumpulan ng mga tao na hindi naman kinakailangan.


Hindi na rin papayagang lumabas para mamalengke ang mga menor de edad at senior citizens.

Patuloy rin na ipinagbabawal ang pagsusugal at pag-inom ng alak o liqour ban.

Bawal rin aniya ang pagligo sa mga ilog, batis o resorts.

Hiniling naman ng alkalde na kailangan nating gawin ang ating parte na manatili lamang sa loob ng ating tahanan at huwag nang pasaway.

Samantala, sinabi rin ni Mayor Dy na hindi na magsasagawa ng direct misting sa mga tao dahil mayroon umano itong masamang epekto sa kalusugan ayon na rin sa paglilinaw ng DOH subalit patuloy pa rin aniya ang kanilang pagsasagawa ng disinfection sa mga kalye at pampublikong lugar.

Facebook Comments