Pakikipagkaibigan ng China, pinagdududahan ni Senator Revilla

Ikinatuwa ni Senator Ramon Bong Revilla Jr. ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng ang sitwasyon ngayon kaugnay sa West Philippine Sea ang maging daan para magwakas ang ating pakikipagkaibigan sa China.

Diin ni Revilla, natuldukan na marahil ng nabanggit na pahayag ng Pangulo ang anumang agam-agam o pagdududa sa paninindigan ng ating pamahalaan ukol sa mga isyu ng West Philippine Sea.

Sinabi ito ni Revilla kasunod din ng muling paghahain ng panibagong diplomatic protest ang pamahalaan dahil sa muli na namang pananatili ng mga Chinese vessel sa ating teritoryo.


Ayon kay Revilla, panahon na upang linawing mabuti ang tunay na kalagayan ng ating pakikipagkaibigan sa China na paulit-ulit umanong nilalabag ang umiiral nating karapatan sa ating teritoryo.

Giit ni Revilla, ang tunay na magkaibigan ay naggagalangan, binibigyan ng payo at tumatanggap ng payo para magkaintindihan.

Pero dismayado si Revilla na sa kabila ng ating pakiusap ay nakararanas pa rin tayo nang panlalamang ng China.

Dagdag pa ni Revilla, sa paulit-ulit na madiplomasyang protesta na inihain na natin na hindi talaga nila pinapansin ay maliwanag na kaibigan natin ang China pero hindi nila tayo itinuturing na kaibigan.

Facebook Comments