Manila, Philippines – Hihikayatin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga pamilya, kaanak at kaibigan ng mga komunistang rebelde na tulungan sila na pakiusapan ang mga ito na magsibaba na sa kabundukan at magbalik loob sa gobyerno.
Ayon kay DILG OIC Eduardo Año, handa ang gobyerno na tulungan ang mga rebelde na nais magsuko ng kanilang armas sa ilalim ng enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP ng DILG.
Mahigit na sa 2,000 dating rebelde ang natulungan ng gobyerno ng magbalik loob sa pamahalaan at inaasahan pa ang 1,000 surrenderees na susuko ngayong taon.
Sa nakalipas na tatlong taon, abot na sa 59.68 milyong piso ang naibigay na ng DILG bilang financial assistance, livelihood assistance, reintegration assistance at firearm re-numeration sa mga sumukong rebelde.
Tulad ng panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte, umaasa si Año na hindi dapat sayangin ng komunistang grupo ang oportunidad.
Siniguro din ng DILG Chief ang full cooperation sa Task Force Balik-Loob na binuo ng Pangulo sa pamamagitan ng Administrative Order No. 10 upang maisama ang mga programa para sa mga nagbalik loob na rebelde.
Aniya ang paglikha ng Task Force Balik-Loob ay patunay lamang sa katapatan, kahandaan ng gobyerno para wakasan na ang dekada nang labanan ng pamahalaan at NDF-CPP-NPA.