PAL, muling magbabawas ng 30% ng kanilang workforce

Kabuuang 2,300 mga manggagawa o katumbas ng tinatayang 30% ng workforce ng flag carrier na Philippine Airlines ang mawawalan ng trabaho.

Kasunod ito ng panibagong round ng workforce reduction sa mga kawani kabilang na ang boluntaryo at sapilitang retrenchment.

Mananatili na lamang sa trabaho ang mga apektadong personnel ng PAL hanggang sa kalagitnaan ng buwan ng Marso.


Ayon kay PAL President Gilbert Sta. Maria, bago ang nasabing tanggalan sa trabaho, sinikap ng kumpanya na ipatupad ang temporary furloughs, at ang flexible working arrangements para pigilan sana ang pagtigil sa trabaho ng mga kawani at matiyak na makakatanggap pa ng sahod at benepisyo ang mga ito.

Partikular na ang medical benefits na labis na kailangan ngayong may pandemya.

Ayon kay Sta. Maria, naabisuhan na nila ang mga maaapektuhang manggagawa noon pang Oktubre ng nakalipas na taon.

Aniya, bagama’t unti-unti nang bumabalik ang demand sa air travel, malayo pa ito sa lebel ng naging estado ng kumpanya bago nagkaroon ng pandemya.

Facebook Comments