Umalma sina Senators Francis Kiko Pangilinan at Imee Marcos sa pagprayoridad sa mga sundalo at mga miyembro ng gabinete at Presidential Security Group (PSG) na maturukan ng COVID 19 vaccine.
Disymayado rin si Pangilinan na inunahan pa ng Malakanyang ang Food and Drug Administration o FDA sa pagtiyak na ligtas ang ginamit nilang bakuna.
Ipinaalala ni Pangilinan ang pangako ng gobyerno na uunahing mabakunahan ang medical frontliners, mga senior citizen at mas nasa peligrong kalagayan ng kalusugan.
Binanggit ni Pangilinan na isa sa pangunahing layunin kaya niya isinulong na mabusisi ng Senate Committee of the Whole ang vaccination program ng pamahalaan ay upang maiwasan na magkanya-kanya ang mga nasa administrasyon na magpabakuna kahit wala pang inaaprubahan na COVID-19 vaccine ang FDA.
Giit naman ni Senator Marcos, wala dapat gulangan sa COVID-19 vaccine.
Diin ni Marcos, dapat sinunod ang principle na “highest risk, first” o unang mabigyan ng COVID-19 vaccine ang pinakadelikadong mahawa ng virus at hindi ang may mga koneksyon.