Palakasan, Padrino System, Aalisin na sa Recruitment ng PNP

Cauayan City, Isabela- Nakiisa ang Police Regional Office (PRO) 2 sa isinagawang sabay na paglulunsad ng National Headquarters at iba pang police regional office sa “Nameless Faceless Recruitment Process” o pagtatanggal sa palakasan o padrino system padagting sa recruitment sa hanay ng kapulisan.

Personal namang binantayan ni Police Brigadier General Crizaldo Nieves, Regional Director ang isinagawang panlulunsad sa PRO2 Grandstand kahapon, May 27, 2021 upang matiyak na ang ibinabang kautusan ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar tungkol sa mga patakaran sa recruitment ay maayos na naipatutupad at nasusunod.

Ayon kay RD Nieves, gagamit na ng QR Code system ang PNP sa gagawing recruitment upang masigurado na wala ng mangyayaring palakasan o padrino system na kung saan tanging ang mga kwalipikadong aplikante na lamang ang talagang makukuha.


Samantala, mula sa 1,498 na mga aplikante para sa PRO2, 185 dito ang sumailalim para sa Body Mass Index assessment habang ang iba ay naka-schedule sa mga susunod na araw hanggang sa unang araw ng Hunyo ngayong taon.

Maging ang 100 aplikante para sa National Support Units na hindi nakapag-report sa National Headquarters ay sasalain sa regional office.

Kung hindi naabot ng isang aplikante ang normal BMI, agad na ide-deactivate ang Quick Response Code at hindi na rin maaaring magpatuloy sa iba pang yugto ng recruitment.

Lahat ng mga aplikante ay kinakailangan rin magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test at normal ECG para makapasok sa kampo.

Ang PRO2 ay may kabuuang 400 na quota para sa una at ikalawang semester ng taong 2021.

Facebook Comments