
Mahigpit na babantayan ang pamamahagi ng fuel subsidy sa Public Utility Drivers (PUVs) at operators na apektado ng taas-presyo sa petrolyo.
Ito ang babala ni Committee on Public Services Chairperson Sen. Raffy Tulfo sa mga ahensiya ng gobyerno na magpapatupad ng fuel subsidy program dahil sa walang prenong taas presyo sa petrolyo.
Ayon kay Tulfo, suportado niya ang plano ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na palawigin pa ang fuel subsidies sa mga motorista.
Pero dapat aniyang masiguro na hindi maaantala at tanging ang mga kwalipikado o mga lehitimong PUV driver at operator ang makikinabang at walang magiging palakasan system.
Sabi ni Tulfo, nangyari na kasi noon na na-delay ang pamamahagi sa mga benepisyaryo.
Sa ngayon, palalawigin ang fuel subsidy program para sa mga modern PUV operators at drivers, traditional jeepney drivers, bus drivers, grab drivers, tricycle drivers at maging sa mga delivery rider.
Idadaan sa fuel cards gaya ng pantawid pasada, bank-to-bank transfer o ipapadala e-wallet accounts ang matatanggap na ayuda o kaya naman pwede ring over-the counter sa mga piling branch ng Land Bank of the Philippines.
Panawagan naman ni Senadora Grace Poe, dapat madaliin na ang pagpapalabas ng fuel subsidy lalo’t nakapaloob naman sa 2025 national budget ang P2.5 billion na pondo para dito.









