DILG Sec. Remulla, binatikos ng tourism sector sa pahayag na hindi ligtas ang Pilipinas

Hindi nagustuhan ng ilang nasa tourism sector ang pahayag ni Department of the Interior Secretary Jonvic Remulla na hindi umano ligtas ang Pilipinas.

Ito ay makaraang aminin ng kalihim na iniiwasan ng mga turista ang bansa dahil hindi raw sila nakakaramdam ng kaligtasan.

Sinabi ito ni Remulla sa kaniyang keynote address sa Hotel Sales and Marketing Association (HSMA) Sales and Marketing Summit kung saan natatakot umano ang mga tao na bumisita sa bansa dahil sa posibleng banta sa seguridad.

Kasunod kasi nito ay may lumabas na survey na nagsabing isa ang Pilipinas sa pinakamapanganib na puntahan ng mga turista.

Sabi ng ilang stakeholders ng industriya, ang pahayag na ito ay hindi lamang naging padalus-dalos kundi nakakasira sa reputasyon ng Pilipinas bilang destinasyon ng mga manlalakbay sa buong mundo.

Mariin din itong tinutulan ng Department of Tourism (DOT) at ibang tourism group na pumuna at nagsabing mapanira at hindi patas.

Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, kwestiyunable ang datos ng “HelloSafe Safety Index 2025” at kulang umano sa transparency lalo’t hindi ito nakaankla sa aktwal na kalagayan sa bansa.

Ayon naman kay Arthur Lopez, pangulo ng Philippine Hotel Owners Association, nabubura ng mga ganitong pahayag na mula pa sa mga opisyal ng pamahalaan ang paghihirap para maibangon ang turismo matapos ang pandemya.

Ganito rin ang pinangangambahan ng ilang grupo gaya ng Philippine IATA Agents Travel Association, Pacific Asia Travel Association at Philippine Tour Operators Association.

Facebook Comments