Aminado ang Malacañang na ang ₱1,000 individual assistance o ₱4,000 financial assistance kada pamilya sa Greater Manila Areas (GMA) ay hindi sapat para sa dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ).
Ito ang pahayag ng Palasyo matapos ihulog sa iba’t ibang Local Government Units (LGUs) ang ₱23 billion na halaga ng ayuda.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, tinantya ng pamahalaan ang halaga para sa dalawang linggo dahil ang unang linggo ng ECQ ay sabay sa Holy Week.
Maaari ring ipatawag ang Kongreso para sa isang special session kung kailangan ng karagdagang pondo para rito.
Pero sinabi na ni Budget Secretary Wendel Avisado na wala ng mapagkukunang pondo ang pamahalaan para sa cash assistance.
Inaasahang matatanggap ng mga apektadong residente ang kanilang ayuda ngayong linggo.