Palasyo, ayaw magbigay ng timetable kung kailan mareresolba ang nararanasang traffic crisis

Manila, Philippines – Maingat si Chief Presidential Legal Counsel at Spokesman Salvador Panelo sa pagbibitiw ng anumang pahayag hinggil sa kung ano ang dapat asahan ng publiko tungkol sa magiging lagay ng trapiko sa 2022 o sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Panelo, depende kasi sa laki ng problema kung ano ang maaaring matapos ng pamahalaan para masolusyonan ang traffic crisis na kinakaharap ng publiko.

Ang mahalaga ayon kay Panelo ay may ginagawa ang pamahalaan para ito ay maremedyuhan gaya ng Build, Build, Build Project ng Duterte administration.


Pero kung nabigyan sana noon pa ang chief executive ng emergency powers ay baka nagawan agad ng paraan ang matinding trapik.

Una ng hiningi ng Pangulo na mabigyan siya ng emergency powers gayung limitado aniya ang kanyang panahon para maresolba ang trapik pero ilang mambabatas ang hindi pabor sa pagbibigay nito partikular na si Senadora Grace Poe.

Facebook Comments