
Tinawag ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na “Team Itim” ang isinusulong na tambalan nina Vice President Sara Duterte at Senador Imee Marcos para sa 2028 elections.
Ayon kay Castro, dati nang naiuugnay ang bansag sa dalawa matapos ang endorsement video noong senatorial elections kung saan sinuportahan ni Duterte si Marcos.
Gayunman, nilinaw ng Palasyo na wala pang opisyal na pahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa usapin, kahit magkapatid sila ni Senador Imee.
Sa tanong naman kung ano ang posibleng motibo ni VP Sara sa maaga nitong pag-anunsiyo sa presidential bid, sinabi ni Castro na ang bise presidente mismo ang dapat tanungin.
Hindi rin nagkomento ang Palasyo sa umano’y Leni–Risa tandem bilang katapat ng Sara–Imee.
Giit ni Castro, nananatiling nakatutok ang administrasyon sa trabaho at hindi pa pumapasok sa usapin ng mga political alignment para sa 2028 elections.










