Nanindigan ang Palasyo na transparent sila sa paggastos ng mga pondo para sa COVID-19 response.
Kasunod nito, welcome sa Malakanyang ang panawagan ng ilang senador na magsagawa ang Commission on Audit ng special audit sa ginastos ng pamahalaan bilang pangtugon sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, wala naman silang itinatago sa Palasyo kaya’t bukas sila sa anumang pagsisiyasat.
Paliwanag pa ni Roque, noong ipinatupad ang Bayanihan to Heal as One Act ay hindi nagmintis si Pangulong Rodrigo Duterte na magsumite ng kaniyang weekly report sa Kongreso at doon nakasaad ang lahat ng gastos at pera na inilaan bilang COVID-19 response fund.
Maging si COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez ay siniguro na nabili ng tama at naaayon sa presyo ang mga gamit panlaban sa Coronavirus Disease.
Kasunod nito, nangako si Roque na sa susunod na press briefing sa August 3, 2020, ilalahad nila sa pamamagitan ng power point presentation ang buong report kung papaano ginastos ng pamahalaan ang pondo bilang pangtugon sa COVID-19.