Palasyo, dinepensahan ang OSG at NTC mula sa mga batikos hinggil sa tigil operasyon ng ABS-CBN

Pumalag ang Palasyo sa mga banat laban kay Office of the Solicitor General Jose Calida at kay National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Gamaliel Cordoba.

Ito ay matapos sisihin ng mga kritiko ang OSG at NTC kung bakit hindi nabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN dahilan upang hindi na muna makasahimpapawid ang TV giant network.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hindi pinressure ni OSG Calida ang NTC para hindi mabigyan ng provisional authority ang ABS CBN.


Matatandaang sumulat si Calida sa NTC nitong Linggo kung saan nagbabala ito na maaaring maharap sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang kanilang mga komisyuner kapag nagbigay ng provisional authority sa ABS-CBN sa kabila nang kawalan ng prangkisa.

Pero ayon kay Roque, hindi inimpluwensyahan ng OSG ang NTC dahil ginawa lamang ni Calida ang kanyang trabaho.

Giit pa ng kalihim, hindi rin basta-basta maiimpluwensyahan ng sinuman si NTC commissioner Cordoba, dahil ilang presidente narin ang kanyang pinagsilbihan.

Kahapon, tuluyan nang naglabas ng cease and desist order ang NTC laban sa ABS-CBN dahil sa nagpaso nilang prangkisa nitong May 4, 2020.

Sa ngayon nakabinbin pa rin sa Kongreso ang franchise renewal application ng ABS-CBN.

Facebook Comments