Dinepensahan ng Palasyo ang panukalang batas na nag-aamyenda sa Anti-Terrorism Law.
Ito ay sa kabila na rin ng kritisismo ng ilan na hindi napapanahon ang sinertipikahang urgent bill ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil nahaharap sa COVID-19 pandemic ang bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, na isang kilalang human rights lawyer, walang “draconian” provision sa Human Security Act of 2007.
Paliwanag nito, lahat ng probisyon sa inihaing panukalang batas ay ibinase sa batas ng iba’t-ibang bansa na mayroong mas epektibong pagtrato sa mga terorista.
Giit pa nito na ipinatern ang nasabing batas sa Anti-Terrorism Law ng United Kingdom, United States at Australia.
Sinabi pa ng kalihim na noong 17th Congress pa naihain ang amendment sa nasabing batas at ito ay matagal nang nabinbin sa Kongreso.
Matatandaang umani ng batikos ang proposed amendments sa Human Security Act of 2007 dahil malalabag umano nito ang ilang basic human rights.