Palasyo, dumipensa sa pagsasama sa Indonesia sa mga bansang sakop ng travel ban

Hindi late o huli ang ginawang pagsasama ng pamahalaan sa Indonesia sa listahan ng mga bansa na mayroong travel restriction ang Pilipinas, bilang hakbang laban sa mga bagong variants ng COVID-19.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque kasunod ng mga kritisismo na late nagdeklara ng travel restrictions ang gobyerno laban sa Indonesia.

Ayon sa kalihim, hindi late ang deklarasyong ito, lalo’t lumalabas sa datos na kaunti lamang naman o nasa 724 na indibidwal mula sa Indonesia ang tumungo sa Pilipinas mula Abril hanggang Hulyo.


Bukod dito, limitado pa rin naman aniya ang mga pinapayagang makapasok sa bansa o kahit mga OFWs (Overseas Filipino Workers) na mula sa Indonesia.

Wala pa rin aniyang mga dayuhan, maliban na lamang iyong mga holder ng long term investor’s at long term residence visa.

Kasunod nito, tiniyak ni Roque na lahat ng biyaherong nagmula sa Indonesia ay sasailalim sa strict 10-day facility-based quarantine, swab test sa ika-7 araw bago pauwiin sa kanilang mga Local Government Unit (LGUs) para sa natitirang apat na araw na quarantine.

Facebook Comments