Palasyo, hinamon si VP Robredo na solusyunan ang COVID-19 pandemic nang walang bakuna o gamot

Muling hinamon ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque si Vice President Leni Robredo na maglabas ng solusyon kung paano malulunasan ang COVID-19.

Reaksyon ito ni Roque makaraang sabihin ng Pangalawang Pangulo na hindi sapat ang ginagawang paghihintay lamang ng administrasyon sa COVID-19 vaccine para maibsan ang epekto ng pandemya.

Ayon kay Roque, kung may iba pang alam na solusyon si Robredo ay agad niya itong sabihin dahil baka maging Pangulo pa ito ng bansa.


“Hinahamon ko po si VP Leni. Kung mayroon siyang solusyon na walang vaccine at wala pa ring gamot, sabihin niya po dahil sigurado po baka ngayon din maging Presidente siya kung makahanap siya ng solusyon habang walang bakuna at walang gamot” pahayag ni Roque.

Paliwanag pa ng kalihim, hangga’t wala talagang bakuna o gamot na panlaban sa COVID-19 ay wala talagang solusyon sa pandemyang ito.

Una nang sinabi ng Palasyo na hindi naman nagkukulang ang pamahalaan sa mga ginagawang hakbang upang mapigilan ang transmission ng virus.

Nandiyan na aniya ang mas pinaraming ‘We Heal as One’ centers, mga isolation at quarantine facilities, ang pagkakaroon ng designated COVID-19 hospital at COVID referral hospitals at pagpapalakas sa testing, tracing at treatment efforts.

Facebook Comments