Manila, Philippines – Hindi makikialam ang Malakanyang sa usapin ng term sharing sa Kamara.
Kasunod ito ng ilang lumulutang na paramdam mula sa ilang mga kongresista na nagsasabing pwedeng manatiling house speaker si Taguig Representative Alan Peter Cayetano kapag nagtuloy-tuloy ang magandang performance sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ni Presidential spokesman Atty. Salvador Panelo na bahala na ang mga miyembro ng Kamara na magdesisyon sa bagay na ito.
Wala aniyang magagawa ang Palasyo sundin man o hindi ng mga kongresista ang term-sharing agreement sa pagitan nina Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco.
Kung matatandaan, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagpanukala noon na gawin ang term sharing agreement sa pagitan nina Cayetano at Velasco, dahil parehong naghahangad ang mga ito na mamuno sa Kamara.
Sa ilalim ng nabuong kasunduan, 15 buwan na uupo bilang house speaker si Cayetano at susundan siya ni Velasco na magtutuloy sa posisyon sa loob naman ng 21 buwan.