Binalaan ng Malacañang ang mga may-ari ng malls at iba pang pasyalan na muli silang ipasasara ng gobyerno kapag nakitaan ang mga ito ng paglabag sa minimum public health standards.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, tungkulin ng mga may-ari ng mga mall at iba pang establisyemento na tiyaking nasusunod ng publiko ang mga patakaran.
Kapag nabigo aniya ang mga ito at nagkaroon muli ng pagtaas sa kaso ng COVID-19 ay hindi magdadalawang isip ang pamahalaan na ipasara silang muli.
Kasunod nito, muling umapela ang Palasyo ng kooperasyon sa lahat upang maipagpatuloy ang pagbubukas ng ekonomiya.
Panawagan pa ng kalihim sa publiko na huwag sayangin ang pagkakataong ito na pinayagan nang makalabas ang mga kabataan para sa kanilang pangkalusugang pangkaisipan at sa pagsiglang muli ng ating ekonomiya.
Matatandaan nitong weekend dumagsa ang pami-pamilya sa iba’t ibang pasyalan makaraang payagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) na makalabas muli ang mga bata.