Manila, Philippines – Nanindigan ang Malakanyang na hindi sila natatakot sa sandaling mahawakan ni Vice President Leni Robredo ang intelligence reports kaugnay ng war on drugs ng administrasyon at magamit itong ebidensya laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay ito ng kinahaharap na reklamo ni Pangulong Duterte sa international criminal court dahil sa umano’y madugong laban kontra droga.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, walang itinatago ang pamahalaan at transparent ito sa lahat ng mga ulat o records kaugnay ng war on drugs.
Paliwanag pa ni Panelo, laman ng intelligence reports ang record ng mga indibidwal na dawit sa kalakalan ng iligal na droga at mino-monitor ito ng lahat ng concerned government agencies.
Bukod dito, muli namang ipinanawagan ng Palasyo na bigyan ng pagkakataon ang pangalawang pangulo na maipamalas ang sarili nitong istilo o paraan sa pagsugpo ng illegal drug trade sa bansa ngayong siya na ang anti- drug czar o co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs o ICAD.
Mababatid na nitong Biyernes ay pinulong na nga ni VP Robredo sa kauna-unahang pagkakataon ang mga miyembro ng ICAD.