Hinihintay na lamang ng Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF MEID) ang mga rekomendasyon na magmumula sa Vaccine Cluster upang mapaigting pa ang kahandaan ng pamahalaan sa roll-out ng vaccination program nito laban sa COVID-19.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, ito naman talaga ang rason kung bakit kaliwa’t kanan na ang ginagawang simulation exercises ng pamahalaan at mga Local Government Units (LGUs) kaugnay sa pagtanggap at pagta-transport ng mga bakuna.
Aniya, dito malalaman ang mga kahandaan at mga areas of improvement na dapat pang tutukan ng pamahalaan.
Naniniwala naman si Sec. Nograles na hindi na kailangan pang ideklarang walang pasok ang araw ng pagbabakuna, para lamang matiyak na hindi maaantala ang pagpapatupad nito.
Paliwanag ng kalihim, mayroon kasing mga maaapektuhan kung magdi-deklara pa ng walang pasok, halimbawa aniya ang mga manggagawa sa mga sektor na nagpapatupad ng No Work No Pay policy.