Palasyo, iginiit na hindi nasa ilalim ng ‘de facto martial law’ ang Pilipinas 

Itinanggi ng Malacañang ang mga alegasyong nasa ilalim ng ‘de facto martial law” ang Pilipinas. 

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi parehas ang kapangyarihan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. 

Aniya, nagsilbing aral sa bayan ang mapait na karanasan ng batas militar noong dekada ’70 at nagtatag ng mga batas na layong mapigilan ang mga pag-aabuso. 


Dagdag pa ni Roque, iba na ang konteksto sa Martial Law noon at ngayon. 

“Ang masasabi ko po ibang-iba na po ang konteksto ngayon. Dati-rati po naisasara ang Kongreso, naisasara ang Supreme Court. Ngayon po, wala nang ganiyang kapangyarihan ang Presidente,” sabi ni Roque. 

“At ang deklarasyon ng martial law ngayon pupuwedeng kuwestiyunin sa Kongreso, pupuwedeng kuwestiyunin sa hukuman dahil nga po natuto na tayo sa mapait na karanasan natin sa martial law noong 1970,” dagdag pa ni Roque. 

Nabatid na ipinagdiwang kahapon, September 21, 2020 ang ika-48 taong anibersaryo ng Martial Law na idineklara ni dating Pangulong Marcos. 

Facebook Comments