Palasyo, isinantabi muna ang mga isyu hinggil sa SALN ng Pangulo

Isinantabi muna ng Malacañang ang mga isyu na may kinalaman sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakatuon ngayon ang pamahalaan sa rehabilitasyon ng mga lugar na pinadapa ng Bagyong Rolly.

Ang mga lugar na matinding tinamaan ng kalamidad ay dapat mabigyan agad ng tulong tulad ng pagkain, tubig at iba pang kinakailangang supplies.


Nais tiyakin ni Pangulong Duterte na matatanggap ng mga biktima ng bagyo ang karamptang tulong mula sa pamahalaan.

Iginiit ni Roque na saka na pag-usapan ang isyu sa SALN at dapat unahin ang mga nasalanta ng bagyo.

Hindi pa niya nakakausap ang Pangulo kung handa pa nitong isapubliko ang kanyang SALN, pero posible niyang idulog ito sa kanilang pulong ngayong araw.

Pagtitiyak ni Roque na hindi itinatago ni Pangulong Duterte ang kanyang yaman at iginagalang ang bagong guidelines na inilabas ng Office of the Ombudsman sa pagkuha ng SALN ng mga public officials.

Nabatid na hindi pa nailalabas ang SALN ng Pangulo sa publiko mula nitong 2018.

Facebook Comments