Binigyang-diin ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na nakonsulta ang mga Local Government Unit (LGU) na nagpapatupad na rin ngayon ng alert level system.
Taliwas ito sa naging pahayag ng League of Provinces of the Philippines (LPP) na hindi nakonsulta ang mga LGU hinggil sa alert level system kung kaya’t nais nila itong pansamantalang suspendihin upang mapaghandaan.
Ayon kay Roque, hindi man nakonsulta ang kabuuang miyembro ng LPP pero ang mga LGU na nagpapatupad na ngayon ng alert level system ay kanilang nasabihan bago ito sinimulang ipatupad kahapon.
Maliban kasi sa Metro Manila ay alert level system na rin ang umiiral sa ilang lugar sa bansa.
Sakop ng Alert Level 4 ang Negros Oriental sa Region 7, Davao Occidental sa Region 11 habang nasa Alert Level 3 ang Cavite, Laguna, Rizal sa Region 4A, Siquijor sa Region 7 at Davao City, Davao del Norte sa Region 11, Alert Level 2 naman sa Batangas, Quezon Province at Lucena City sa Region 4A at Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue at Cebu Provinces sa Region 7.