Nilinaw ng Malakanyang na kailangan munang makumpleto ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga dokumentong kinakailangan para maipalabas ang unang P2 bilyong calamity fund na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lugar na matinding hinagupit ng Bagyong Odette.
Tugon ito ni acting Presidential Spokesperson at CabSec. Karlo Alexei Nograles matapos sabihin kagabi ni Pangulong Duterte sa kanyang talk to the people na hanggang Biyernes ay matatanggap na ng mga Local Government Unit (LGUs) ang tulong pinansyal mula sa national government.
Ayon kay Nograles, bago mai-release ang pondo dapat maisumite ng NDRRMC ang kumpletong report ng pagtaya sa extent o hangganan ng pinsalang idinulot ng bagyo sa pinakamabilis na panahon.
Samantala, sinabi naman ni Department of Budget and Management (DBM) OIC Sec. Tina Canda na wala pang commitment silang maibibigay na maipapamudmod na sa Biyernes ang nasabing pondo.
Pero tiniyak ng Palasyo na nakahanda ang budget, kailangan lamang munang matapos ang mga dokumento upang maiproseso ang calamity fund.