Manila, Philippines – Magtatalaga ng Maranao Spokesperson ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) para magbigay ng update sa nagpapatuloy na operasyon ng militar laban sa Maute terror group sa Marawi City.
Ayon kay PCOO Secretary Martin Andanar, layon nitong palawigin ang komunikasyon upang matulungan ang mga apektado ng deklarasyon ng martial law sa Mindanao.
Aniya, kabilang ang Maranao Spokesperson ng PCOO Mindanao hour communications center sa Davao City na magiging pangunahing mapagkukunan ng impormasyon kaugnay sa sitwasyon sa lugar.
Dagdag pa ni Andanar, lahat ng impormasyon ay ipapasa sa Mindanao Hour Communications Center sa Davao at Malacañang para sa isasagawang press briefings sa Maynila at Davao.
Pamumunuan ito ni Andanar habang pangungunahan naman ni Philippine Information Center Director General Harold Clavite ang Iligan Mindanao Hour Communications Center.
Samantala, magkakaroon din aniya ng “The Mindanao Hour” at “The Maranao Hour Segment” sa website ng P-I-A Mindanao Hour at iba’t ibang social media accounts ng Mindanao hour simula sa unang linggo ng Hunyo.