Muling nanawagan ang Palasyo sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na bayaran na ang kanilang pagkaka-utang sa mga private hospital.
Ang panawagan ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque ay kasunod ng desisyon ng ilang pribadong ospital na hindi na mag-renew ng kanilang accreditation sa PhilHealth dahil sa mga unpaid claim.
Ayon kay Roque, muli siyang nananawagan kay PhilHealth President at Chief Executive Officer Dante Gierran na pakinggan at sundin ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na bayaran ang mga unpaid claim ng mga private hospital.
Aniya, hindi magtatagumpay ang Universal Health Care kung wala ang kooperasyon ng mga pribadong ospital dahil mas marami ang nagbibigay serbisyong pribadong ospital kaysa sa panggobyernong mga ospital.
Una nang kinumpirma ni Private Hospitals Association of the Philippines Inc. President Jose Rene de Grano na may ilang ospital na sa Metro Manila, Cagayan Valley at General Santos City ang hindi na mag-renew ng kanilang accreditation sa PhilHealth.