Palasyo, nagpapasalamat sa dalawang kapulungan ng Kongreso dahil sa mabilis na ratipikasyon sa 2022 proposed national budget

Pinasalamatan ng Malakanyang ang Kongreso at Senado hinggil sa mabilis na pagratipika nito ng panukalang pambansang pondo sa 2022.

Ayon kay acting Presidential Spokesperson at CabSec. Karlo Alexei Nograles ang hakbang ng dalawang kapulungan ay isang inisyatibo upang masiguro na makakamit ang ninanais na legasiya ng administrasyong Duterte.

Sinabi pa ni Nograles na habang hinihintay pa nila na mai- transmit sa tanggapan ng pangulo ang niratipikahang proposed 2022 national budget ay tiniyak ng kalihim na gagamitin ng wasto ang pera ng taumbayan.


Nabatid na pangunahing binuhusan ng pondo ay ang health sector kung saan naka- focus sa pagpapaigting ng COVID-19 testing, pagkuha at pagti-training ng contact tracers at ang pambili ng mga gamot at bakuna laban sa COVID-19.

Ang panukalang P5.024 trillion para sa susunod na taon ang pinakamalaking budget sa kasaysayan ng ating bansa at ito rin ang huling budget sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Facebook Comments