Walang pulis na maaaring magpapatupad ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration laban sa China at pabor sa Pilipinas kaugnay ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Tugon ito ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque sa naging pahayag ni dating Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario na dapat ilagay sa gawa ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa UN General Assembly.
Paliwanag ni Roque, hindi na rin naman magbabago at nakaukit na sa tadhana at sa international law ang nasabing arbitral ruling na pumapabor sa Pilipinas.
Nagpatutsada pa si Roque kay Del Rosario at sinabing hindi naman kasi ito abogado kung kaya’t hindi alam ang pagkakaiba ng domestic at international law.
Kasunod nito, nagpaabot naman ng pasasalamat ang Palasyo kay dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na ayon sa kalihim ay sa wakas napuri naman ang administrasyong Duterte.