Masusing binabantayan ng Palasyo ang kilos o galaw ng Typhoon Ulysses.
Kasunod nito, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na lahat ng concerned agencies ay dapat naka-standby 24 oras para sa posibleng epekto ng bagyo.
Inaatasan din nito ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipreposisyon na ang mga relief goods, gamot at iba pang ayuda sa mga maaapektuhang residente.
Kasunod nito, inaabisuhan ng Palasyo ang mga kababayan nating tatamaan ng Bagyong Ulysses na palagiang makinig sa abiso ng pamahalaan at huwag nang magdalawang-isip pa kung palilikasin ng local government units upang maiwasan ang alinmang casualties.
Kanina, sinuspinde ng Palasyo ang pasok sa gobyerno at sa mga pampublikong paaralan sa lahat ng antas sa Regions II, III, CALABARZON, MIMAROPA, V, Cordillera Administrative Region at National Capital Region dahil sa sama ng panahon dulot ng bagyo.