Patuloy na naka-antabay ang Palasyo sa nagpapatuloy na operasyong ginagawa ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan kaugnay ng Tropical Storm Maring.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, lahat ng rescue personnel at teams mula sa Local Government Unit (LGU) ay nasa ground upang tumugon sa rescue and assistance requests ng mga apektadong residente.
Naka-deploy rin aniya ang support team ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, Philippine National Police at Bureau of Fire Protection.
Base sa datos na nakalap ng Malakanyang, nasa 465 families o 1, 585 indibidwal mula sa Region 2 at 8 ang nailikas hanggang kaninang alas-6:00 ng umaga.
Kasunod nito, nasa higit P128 million ang standby funds na mayroon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) habang may available din na 373, 737 family food packs na nagkakahalaga ng P219 million na maaaring i-deploy anumang oras.
Sinabi pa ni Roque na on-going ang power and water supply restoration gayundin ang clearing operations sa mga naapketuhang kalsada base narin sa ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council o NDRRMC.
Samantala, patuloy na panawagan ng Palasyo sa publiko na sundin ang minimum public health standards at tumalima sa kanilang LGUs saka-sakaling iutos ang paglikas.