Muling nanindigan ang Palasyo ng Malacañang na dumaan sa tamang criminal prosecution ang kaso ng detenadong Senador Leila de Lima.
Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar, umiiral ang rule of law sa bansa.
Aniya, nakapiit ang senadora dahil sa pagkakasangkot nito sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons noong ito pa ang kalihim ng Department of Justice.
Paliwanag nito, anuman ang mga pahayag o patutsada ngayon ni De Lima laban sa Duterte administration ay malinaw na kumukuha lamang ito ng simpatya o sympathy vote dahil tumatakbo ito ngayong eleksyon.
Bagama’t ginagalang ng Malacañang ang presidentiables na naghahayag ng suporta at pakikiisa sa senadora, nakulong aniya ito hindi dahil sa panggigipit kung hindi dahil sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot sa Bilibid.