Mahihirapan ang mga prosecutor ng International Criminal Court (ICC) na ilabas ang katotohan saka-sakali mang may reklamo sa anti-illegal drug campaign ng Duterte administration.
Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa sinabi ni ICC Prosecutor Karim Khan kung saan kapag nagpatuloy sila sa imbestigasyon ay malalaman o matutuklasan ang mga nasa likod ng umano’y paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Roque, kung walang kooperasyon ay mahihirapang makakalap ng ebidensya ang mga prosecutor ng ICC.
Kasunod nito, tiniyak ng kalihim na walang tinatago ang pamahalaan at sa katunayan kapag natapos na aniya ang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) ay kanila itong isasapubliko.
Una nang sinabi ng Palasyo na walang hurisdiksyon ang ICC sa pangulo dahil noong 2019 ay tumiwalag na ang Pilipinas sa Rome Statute na nagtatag sa ICC na nangangahulugang walang aasahang kooperasyon ang mga prosecutors ng ICC mula sa ating panig.