Naniniwala ang Malacañang na naging matagumpay ang gobyerno sa pagtugon sa mga problemang malapit sa sikmura ng mga Pilipino.
Kasunod ito ng inilabas na survey ng Pulse Asia kung saan mayorya ng mga Pinoy ang interesadong marinig ang mga isyu ng sweldo, presyo ng bilihin at trabaho sa SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.
Sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo – maituturing niyang “successful” ang mga programa ng gobyerno kung ito ang magiging batayan para husgahan ang tatlong taong termino ng Pangulo.
Ayon sa Department of Finance (DOF), kung sweldo ang pag-uusapan napataas na nila ang take home pay ng mga manggagawa dahil 99% na ng mga personal income tax payers ang nagbabayad ng mas mababang buwis sa ilalim ng TRAIN Law.
Ipinagmalaki naman ng DOLE ang halos kalahating milyong manggagawang na-regular sa trabaho simula 2016.
Habang ang presyo ng mga pangunahing bilihin, bumaba na rin.
Pero ayon kay Ibon Foundation Director and Research Department Head Rosario Guzman – bagsak ang grado ng Pangulo sa isyu ng sweldo, ekonomiya at trabaho.
Samantala, kabilang naman sa magagandang nagawa ng administrasyon ay ang free tuition sa kolehiyo, mas mataas na SSS pension, 4Ps at Universal Health Care Law.