Umaasa ang palasyo ng Malacañang na mapag-uusapan pa ang isyu at gusot sa pagitan ng Philippine Athletics and Track and Field Association (PATAFA) at ng Pinoy Olympic pole vaulter na si EJ Obiena.
Ang reaksyon ay kasunod na rin ng desisyon ng PATAFA na bitawan na si Obiena sa National Training Pool of Athletes ng bansa at sampahan ng kasong estafa.
Sa briefing sa Palasyo, sinabi ni Cabinet Secretary at acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles na umaasa silang mapaplantsa pa ang anumang hindi pagkakaunawaan ng PATAFA at panig ni Obiena.
Kasabay nito ay tiniyak ni Nograles na sa kabila ng isyu ng PATAFA at ni Obiena ay patuloy pa rin nilang susuportahan ang Pinoy Olympian at iba pang atletang lumalaban para sa bansa.
Kaugnay naman sa isyu ng isasampang kaso ng PATAFA kay Obiena ay maghihintay na muna ang Palasyo sa developments na mangyayari.
Ang estafa complaint ng PATAFA laban kay Obiena ay may kaugnayan sa hindi umano pagbabayad ng atleta sa kaniyang coach mula May hanggang August 2018.