Palasyo, pinag-aaralan ang mungkahing pagdedeklara ng state of economic emergency bunsod ng nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine

Masusing pinag-aaralan ngayon ng Palasyo ang suhestyong magdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng state of economic emergency bunsod ng nagpapatuloy na giyera sa Russia at Ukraine na dahilan nang pagsirit ng presyo ng ilang pangunahing bilihin sa bansa.

Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar, sa ngayon ay pinag-aaralan na ito ng Office of the Executive Secretary kasabay ng pagkonsidera sa ilang mungkahing inilatag ng National Economic Development Authority (NEDA) para tugunan ang isyu ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sinabi ni Andanar na mismong ang NEDA na rin ang nagpresinta kay Pangulong Duterte ng posibleng government interventions kaya maiging hintayin muna at tingnan kung sapat na ba ang mga ito para malutas ang isyu ng sunod-sunod na oil price hike at iba pang pagtaas ng basic goods.


Samantala, sa usapin naman ng pagpapatawag ng punong ehekutibo ng special session para pag-usapan ang mga mungkahing amyendahan ang Oil Deregulation Law at suspindehin ang excise tax sa langis, sinabi ni Sec. Andanar na unpredictable kasi ang sitwasyon ngayon sa Europe at pwede itong mabago sa kada araw.

Mayroon naman na aniyang inilatag na programa ang pamahalaan tulad ng pamamahagi ng fuel subsidy para umagapay sa mga tsuper ng pampublikong transportasyon maging sa mga mangingisda at magsasaka.

Facebook Comments